Abstract
Hindi maikakaila ang bilis ng paglaganap ng Katolisismong dala ng
mga Kastila sa bansang Pilipinas; isang dahilan kung bakit tuluyan
nang naiangkla sa pagkatao ng bawat Pilipino ang kahalagahan ng
salitang relihiyon. Isa sa mga patunay ng pagkakaroon ng mahigpit
na pagyakap ng mga Pilipino sa Katolisismo ay ang mga heritage
church na matatagpuan sa Pampanga. Dahil dito, nabansagan
ang mga Kapampangan na hindi lamang mahusay sa kusina,
kundi pati na rin sa pagkakaroon ng masidhing pagpapahalaga
sa kultura-pananampalatayang iniwan ng kanilang mga ninuno.
Ito ang naging inspirasyon ng papel, ang makita ang kulturapananampalatayang mayroon ang mga Kapampangan noong
ika-18 siglo sa pamamagitan ng paghimay sa talasalitaan ng
Kapampangan na isinulat ni Fray Diego Bergaño (1690-1747). Sa
pamamagitan ng kwalitatibong pag-aaral at deskriptibong pagaanalisa, ginamit ang talasalitaan ni Bergaño na unang nailimbag
noong 1732 bilang pangunahing teksto ng pananaliksik. Inalam
at itinala ang mga salitang makikita rito na may kaugnayan
sa relihiyon na umusbong sa panahong iyon. Sa tulong din ng
panayam mula sa mga paring Kapampangan at ilang taong
maalam sa kultura-pananampalatayang Kapampangan, nakagawa
ng naratibo ang mga mananaliksik na nagsilbing tulay sa muling
pagsilip sa kultura sa pagdarasal, paniniwala sa mga masasamang
elemento at sumpa, pagsasabuhay ng pamahiin, tradisyon sa patay,
konsepto sa mga bagay na makikita sa loob at labas ng simbahan,
at sanhi ng pagkakasala ng mga Kapampangan sa kasaysayan.Ipinakita sa kabuuan ng pag-aaral ang transpormasyong naganap
sa kultura-pananampalatayang Kapampangan -- mula sa nakaraan
tungong kasalukuyan.