Abstract
Ang papel na ito ay isang pilosopikong pagsusuri sa konsepto ng espasyo sa Pilipinong pananaw. Ang konsepto ng espasyo sa Pilipinong pananaw ay nagsisilbing dahilan para masabi nating tayo ay nagmamahal sa karunungang nagmula at pinagyaman ng kamalayang Pilipino. Ang konsepto ng espasyo rin ang nagpapatibay sa katwiran na naglalantad sa pangangailangan nang agarang pananaliksik ng karunungang nakaligtaan sa kanluran. Kung ang mga Hapon ay matagumpay na pinagmunihan ang 'espasyo' gamit ang mga konseptong basho, aidagara, at zettai mu tungo sa pagbibigay diin sa pagkamakabayan, ang ‘espasyo’ ay magsisilbing gabay sa mga Pilipino na lumingon sa kanilang pinanggalingan upang bigyan ng linaw ang layunin sa bawat tangkang pagbuo ng masasabing makataong ‘pilosopiya natin’. Tungo sa makataong espasyo sa pag-iral ng tao, nais galugarin ng diskursong ito ang mga sumusunod na paksa: 1] Lugar ay Espasyo; 2] Sa Pagitan ng ‘Ako’ at ng ‘Ikaw’; 3] Espasyo Bilang Bukal ng Kaalaman at pagkatuto; 4] Pagbuo ng Makataong Espasyo at Pagbuwag sa mga Mapang-aping Espasyo; 5] Salaysay ng mga Karanasan Tungo sa paghulma ng Makataong Espasyo; 6] Espasyo ng/para sa mga Peminista?; 7] Sa Pagitan ng Namatay at ng Namatayan; 8] Saan Matatagpuan ang Kapayapaan?