Abstract
Si Jose Rizal ay inilalarawan bilang may estilong diplomatiko sa pakikipaglaban. Ito ay naging inspirasyon ng mga Indones sa pagpapaunlad ng kanilang diwang makabayan at pagsulong kanilang laban para sa kalayaan. At sa pagtatamo ng Indonesia ng kabansaan, si Rizal ay naging tampok sa kanilang diplomasya at pakikipag-ugnayan sa Pilipinas. Makikita rin sa iba’t ibang aspeto ang naging dulot na inspirasyon ni Rizal sa mga Indones. Ang mga pagtatampok namang ito ay sinikap ding mabigyang resiprokasyon ng mga Pilipino. Ang pagtingin ng mga Indones kay Rizal, batay sa isinagawang pananaliksik, ay kinakitaan ng mga salik partikular ang pagtingin ni Tan Malaka kay Rizal, pagkabatid sa mga salitang Arabiko gayundin sa kaalaman sa pagsasalin. Ang mga salik na nabanggit, gayunpaman, ay inirerekomenda ng pagaaral na ito na magawan pa ng balidasyon sa mga mamamayang Indones partikular ang ukol sa tuwirang kinalaman, kalawakan ng kamalayan, at/o interpretasyon ng kanilang kapwa Indonesia kay Rizal at/o kanyang mga akda.