Abstract
Ang pananaliksik na ito ay naglalayong suriin ang antas ng kasanayan sa Ortografiyang Filipino, katatasan, at kasanayan sa pag-unawa sa pagbasa ng mga mag-aaral sa Ika-7 Baitang ng Sablayan National Comprehensive High School, Occidental Mindoro. Gumamit ng descriptive correlational method ang pag-aaral upang masuri ang kaugnayan ng kasanayan sa ortograpiya, katatasan sa pagbasa, at pag-unawa. Sa kabuuang 494 mag-aaral, 217 ang napili gamit ang stratified random sampling. Ang mga datos ay nakalap gamit ang mga talatanungan at standardized reading tools tulad ng PHIL-IRI. Ipinakita ng resulta na mababa ang antas ng kasanayan ng mga mag-aaral sa ortograpiya, partikular sa pasulat na pagbaybay, paggigitling, at pagbabantas. Katamtaman naman ang bilis ng pagbasa ngunit nasa "instructional level" ang katumpakan. Samantala, mababa rin ang antas ng kasanayan sa pag-unawa sa pagbasa, lalo na sa pagtukoy ng pangunahing ideya at pagsusunod-sunod ng mga pahayag. Natuklasan din na may makabuluhang ugnayan ang kasanayan sa ortograpiya at pag-unawa sa pagbasa, subalit walang direktang kaugnayan sa pagitan ng katatasan sa pagbasa at kasanayan sa ortograpiya. Ang mga natuklasan ay nagbibigay-diin sa pangangailangang palakasin ang pagtuturo sa Ortografiyang Filipino at paggamit ng makabago at epektibong estratehiya upang mapahusay ang kakayahan ng mga mag-aaral sa pagbasa at pag-unawa.