Abstract
Sa pag-aaral ukol sa kasaysayang intelektuwal ng mga nasyunalistang diskurso sa akademya, kadalasang nagsisimula ang mga mananaliksik sa Dekada 70s, partikular sa tinaguriang mga kilusang pagsasakatutubo sa Unibersidad ng Pilipinas. Hindi gaanong napagtutuunan ng pansin sa mga publikasyon ang ugat ng mga nasyunalistang diskursong ito sa mga taon bago ang Dekada 1970s. Sa bagong akda ni Charlie Samuya Veric na Children of the Postcolony (COTP), tinangka niyang punan ang patlang na ito sa kasaysayang intelektuwal ng bansa, sa pamamagitan ng pagtuon sa kaisipan nina Edith Tiempo, Fernando Zobel, Bienvenido Lumbera, E. San Juan Jr., at Jose Maria Sison. Ang sanaysay na ito ay isang deskriptibong pagbasa sa COTP ni Veric, na naglalayong siyasatin ang saysay ng akda sa ‘di pa tapos na proyekto ng kapantasang Pilipino na pumiglas mula sa akademikong imperyalismo ng Kanluran.