Abstract
Matagal nang dinalumat ang konsepto ng Inang Bayan bilang kabuuang tunguhin ng kilusang panghimagsikan ng Kataastaasan, Kagalang-galangang Katipunan (KKK) ng mga Anak ng Bayan. Lehitimong gawain ito dahil bukod sa kontekstong nakaugat ang bayan sa ina/mater vis-à-vis patria, mahihinuha ring malaki ang pagkilala ng Supremong si Andres Bonifacio sa kadakilaan ng kababaihan sa panahon ng himagsikan. Sa kabila nito, masasabing may suliranin sa historiograpiyang Pilipino dahil isinasantabi ng ilang positibista at sexistang manunulat ang kolektibong gunita sa kababaihan bilang kasama ng bayan. Kung kaya’t patuloy itong iwinawasto sa pagdaan ng panahon. Masusumpungan ito kung gagawing halimbawa ang kababaihan sa rebolusyong Pilipino. Naisasantabi sila bilang mga paksa ng pag-aaral o kung minsan, itinuturing na palamuti lamang na kailangang idugtong sa pangalan ng kalalakihan. Kaugnay ng suliraning ito kung kaya’t itinatampok sa pag-aaral na ito ang muling pagsipat sa apat na mahahalagang bagay: (1) kasaysayan ng kababaihang Pilipina noong dantaon 19; (2) pakikisangkot ng kababaihan sa Katipunan at himagsikan; (3) pagtingin ng Katipunan sa kababaihan; at (4) impluwensya ng Katipunan sa pagkilos ng kababaihan sa pagpasok ng dantaon 20. Mangyari pa, titingnan din ang muling pakikilahok ng kababaihan sa mga digmaang bayan sa panahon ng post-Katipunan. Hindi ito bagong pag-aaral kundi isang paglalagom sa mga naunang pag-aaral. Kakikitaan ang papel na ito ng mas matinding hamon at pagpursigi sa pagsusulat ng mga paksa na may kinalaman sa Araling Pangkababaihan at Araling Pangkasarian. Tunguhin ng papel ang holistikong kasaysayan ng kababaihan sa pakikisangkot nila sa Katipunan bilang mga kasama ng bayan.