Abstract
Itinuturing ang Trese (2021) bilang kauna-unahang Netflix anime series na mula sa Pilipinas, sa buong Timog Silangang Asya, at nasa labas ng Japan. Sa pagrerebyung ito, nilalayong maipamalas ang mataas na inklinasyon ng mga Pilipino sa kanilang mga alamat at mitolohiya. Bagaman hindi pa tapos ang serye, mahalaga pa ring tingnan ang kahalagahan ng Trese bilang holistikong paglalarawan sa imahe ng kultura at lipunang Pilipino. Sa pamamagitan ng labintatlong (13) malikhain at faktuwal na representasyong alegorikal ng Trese, nailatag ang saklaw at ispektrum ng pagka-Pilipino. Ang rebyung ito ay nahahati sa apat na sub-kategorya na itinema dulot ng lumabas na interpretasyon – (1) paglalarawan sa pisikal na katangian at pananaw o diskursong ginamit, na nilapatan ng literary criticism; (2) paano ipinamalas ng Trese ang kaugnayan at pagpapahalaga nito sa Kasaysayang Pilipino; (3) paglalatag ng ilang aspektong antropolohikal at sosyo-kultural sa anyo ng sektoral na representasyon ng kasarian at pamilya at pagtatampok sa ilang mga kulturang popular ng Pilipinas; at (4) ang Trese bilang panimulang daluyan ng diskursong pampolitika-burukratika at isang malinaw na depiksyon ng kasalukuyang klimang pulitikal ng Pilipinas.