Abstract
Patúloy nating kolektibong ginugunita ang kadakilaan ng mga bayaning Pilipino sa iba’t ibang sektor, panahon at perspektiba ngunit mababatid nating hindi pa rin sapat ang pagpapahalaga sa kanila dahil (1) limitado ang kaalaman hinggil sa kanila, (2) nagiging mailap ang mga datos patungkol sa kanila at (3) higit na binibigyang-pansin ang mga bayaning matagal nang iniangat sa pedestal. Laganap ang pananalambúhay sa mga ganitong bayaning nasa pedestal buhat pa noong panahong kolonyal hanggang sa kasalukuyan. Taliwas dito, itinatampok sa pag-aaral na ito ang kasaysayang-búhay ng hindi gaanong kilaláng bayaning si Laureano Guevara o Kapitan Moy. Higit sa pagiging media clase ng lipunang Mariqueño, tinugunan niya ang iláng pangangailangan ng kaniyang mga kababayan partikular na kaugnay ng mga suliraning panlipunan. Ang kasaysayang pampook ng Mariquina ay dumaan sa kolonyal na pagbabago sa kalinangan, pamumuhay at maging sa pamamahala. Bagama’t mailap ang mga talâ tungkol kay Kapitan Moy, sinikap ng pag-aaral na ito na lagumin ang kalát-kalát na mga impormasyon o talâ tungkol sa kaniyang búhay bílang isang Mariqueño at kung paano niya ipinamalas ang kaniyang kabayanihan sa apatnapung taon niyang búhay (1851-1891) bílang isang ama, asawa, musikero, politiko, negosyante, bayani at isang MARIQUEÑO.