Abstract
Karaniwang nasasagkaan ng pinamamayaning pamantayan at perspektibang hinango mula sa labas ang konfigurasyon ng pag-aaral sa kasaklawang pangturismo ng mga Pilipino. Mula sa sinasaligang epistemolohiya hanggang sa praksis ng disiplinang ito na malaong maglilimita sa makaPilipinong dalumat kaugnay ng paglalakbay. Gayumpaman, hindi pa rin isinasantabi ang mga dulog mula sa labas dahil lamang sa kaligiran nito. Sa halip, layunin pa ng artikulong ito na angkinin ang Tourism Studies at tangkaing maipasok sa talastasang F/Pilipino ang usapin ng turismo at paglalakbay na direktang aapuhap sa tatlong espisipikong aspekto: (1) kalagayan ng turismo at paglalakbay sa Pilipinas; (2) pangunahing salik sa paglalakbay; at malaong itatawid sa (3) sosyo-kultural at politiko-ekonomikong kinahinatnan ng paglalakbay. Sa diwa ng binubuong Araling Pangmanlalakbay sa diwa ng Araling Kabanwahan, hindi lamang nito nilalayong maipakita ang ugnayan at/o pag-uugnay ng turismo at paglalakbay sa Pilipinas at Timog Silangang Asya. Bukod sa panunuring pangkalinangan, layunin ding maipakita ng Araling Pangmanlalakbay ang panunuring panlipunang nakasalig sa katarungan ng turismo at paglalakbay. Sa ganitong pagtatangka, maipopook ang diskursong pangturismo ng mga Pilipino hindi lamang sa kaniyang sariling bayan ngunit maging sa Timog Silangang Asya at sa daigdig.