Abstract
Marami sa mga simbahan (iglesia) at libingan (cementerio) ang itinayo noong panahon ng mga Español sa dati nang sinasambahan at nililibingan ng mga katutubo, kung kaya bahagi pa rin ng pagtatawid sa sinaunang pananampalataya patungo sa tinatawag na Kristiyanismong Bayan (tinatawag ng iilan bilang Folk Catholicism o Folk Christianity). Dahil hindi pasibong tinanggap ng mga katutubo ang ipinakikilalang dogma, inangkop nila sa kanilang kinabihasnang kultura ang pagtanggap sa Kristiyanismo. Makikita ang ganitong pag-angkop sa sistema ng paniniwala; iba’t ibang tradisyon; at konsepto ng mga bagay-bagay. Ipinamalas din nila ang bersiyon ng pagsasama o sinkretismo sa sining ng arkitektura na makikita sa mga imprastraktura katulad ng cementerio. Isa ang Nagcarlan Underground Cemetery (NUC) ng Nagcarlan, Laguna sa mga tinitingnan bilang halimbawa ng isang magandang cementerio sa Pilipinas na tumutugon sa pamantayang binanggit sa itaas. Sa kabila ng imprastraktura at arkitekturang banyaga nito, mababakas pa rin ang patuloy na pagdaloy ng mga elementong pangkalinangan ng mga katutubo sa pamamagitan ng mga simbolong nakamarka at makikita sa kabuuan ng libingan. Dahil sa kulang at walang sapat na dokumentong naglalahad sa kasaysayan, ang dahilan kung bakit ilalatag at tatangkain sa pag-aaral na ito ang posibleng pagbubuo sa mga esensiyang bumabalot sa kabuuan ng sementeryo – mula sa kung sino ang gumawa, hanggang sa pagtukoy ng mga motibasyon at posibleng pagpapakahulugan sa lahat ng ito. Kung kaya’t itinatampok sa papel na ito ang paraan ng pagtukoy sa mga simbolo at interpretasyon bilang metodolohiya. Tatlong bagay ang tinitingnan sa pag-aaral: (1) posibleng katutubo ang mga simbolo na makikita sa libingan na nailalarawan ng mga kosmolohiya at penomenong bumabalot dito; (2) ang posibleng impluwensiya ng ibang kultura sa pagbubuo ng libingan; at (3) posibleng talaban ng dalawang magkaibang kultura sa pagbubuo ng sementeryo.