Abstract
Integral ang ipinahihiwatig ng mga pelikula sa Pilipinas na direktang nagtampok sa mga kuwentong pag-ibig at paghahanapbuhay ng mga migranteng Pilipino sa ibayong dagat. Patok sa lipunang Pilipino ang mga pelikulang nakakakilig, nakapagbibigay ng ligaya, at inspirasyon. Ngunit hindi din dapat kaligtaan ang isa pang temang maaaring umusbong mula dito—ang kalagayan at danas ng mga karakter, hindi lamang bilang mangingibig, kundi bilang manggagawa din. Kung gayon, pagkalas ito panandalian sa kinasanayang pagtrato sa mga romantic movie ng mga Pilipino sa payak nitong anyo bilang kuwentong pag-ibig lamang. Bagkus, malaong holistikong magsisiwalat sa malawakang diaspora at realidad ng paggawang Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Layunin ng artikulong ito na muling ipasundayag ang pagtatalaban ng puso na siyang simbolo ng pag-ibig at kamay na kumakatawan o metapora ng paghahanapbuhay. Partikular na susuyurin ang dalawang pelikula na nasa direksiyon ni Olivia Lamasan, na nagtampok sa mga Pilipino sa Estados Unidos—ang Sana Maulit Muli at In My Life.