Abstract
Larawan ng isang lipunan ang pagkakaroon ng mga museo bilang lagakan o repositoryo hindi lamang ng mga kulturang materyal ngunit maging ng mga salaysaying-bayang nakakabit sa pambansang kasaysayan at pambansang kamalayan ng mga mamamayan nito. Gayumpaman, bukod sa naghahatid ito ng iba’t ibang anyo ng kaalaman, kung minsan ay nagiging aparato rin ng mga propagandang maaaring mag-angat o magsantabi sa isang partikular na pangkat. Dahil karamihan sa mga museo ay binuo sa panahong post-kolonyal, maaaring pagnilayan ang namamayaning naratibo, representasyon, at pag-alala sa mga ito. Sa bawat museo, naitatanghal ba ang mga katutubo, kolonyal, o postkolonyal na kaisipan at pagpapakahulugan? Patas ba ang pakikisangkot ng bayan bilang nilalaman at bida ng mga museo, o tagatangkilik o tagamasid lamang sila sapagkat dinodomina na rin ito ng mga naghahari at makapangyarihang naratibo? Aambagan ng sanaysay na ito ang napapanahon at makabagong pagtingin sa museolohiyang kakawala sa naghaharing pananaw at pamantayan ng Kanluran—na kadalasa’y nagtanghal, walang humpay na nagbigay ng pagpapakahulugan, sa Silangan nitong mga nagdaang panahon. Bagaman hinugot at isinentro ito mula sa mga personal na paglalakbay, pagsusuruy-suroy, at obserbasyon ng may-akda sa mga museo nang siya’y maglakbay sa iba’t ibang bansa sa Asya-Pasipiko at Europa sa pagitan ng taong 2014 at huling bahagi ng 2019, naglatag naman ito ng ilang kritikal na pagsusuri at pagtingin tungkol sa (1) pagkakahati at nilalaman ng mga museong kanyang narating; (2) kalagayan ng mga artifact (sampu ng mga posibleng isyu rito); at (3) representasyon at layuning “isabansa” ang mga museo, na siyang maaaring ilapat din sa lipunang Pilipino. Liban pa rito, nilayon din ng sanaysay na ambagan ang umuusbong na Araling Kabanwahan—ang pag-aaral tungkol sa ugnayan/pag-uugnay-ugnay ng Pilipinas at ng mga ibang bayan sa labas nito na umaayon sa diwa, talastasan, at tunguhin ng pagka-Pilipino.