Abstract
Kapwa nakalatag sa heograpikal, ekonomiko, at kultural na aspekto ng Asya-Pasipiko ang bansang Australia at Pilipinas. Bagama’t kaiba sa kontinenteng kinaroroonan, mababakas pa rin ang dimensiyong nag-uugnay sa dalawang estado ng Pasipiko. Kung uungkatin ang kasaysayan, napakatibay ang ugnayang namamagitan sa Australia at Pilipinas sapul pa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig o ang pagpapalaya sa Pilipinas laban sa puwersa ng mga Hapones nang tumakas tungong Australia sina Pangulong Manuel Quezon at buong pamilya noong Pebrero 19, 1942. Ngunit kung tutuusin, sa ganitong kaganapan at alaala lamang nakapako ang ating kamalayan sa tuwing ginugunita natin ang relasyon ng dalawang bansa. Marami pa ang hindi nabubuksan at nabibigyan ng pansin sa kanilang pinag-isang kasaysayan at direktang ugnayan sa kadahilanang hindi ito napaglalaanan ng tuon at pagpapahalaga sa historiograpiya ng mga Area Studies o disiplinal na pag-aaral ng kasaysayan ng ibayong dagat. Katulad ng ilang mga nauna at pagtatangkang pag-aaral, aambagan ng rebyung ito ang pagpupunla, pagpapahalaga, at pagpapaunlad sa ugnayang kultural na mayroon ang Australia at Pilipinas.