Abstract
Sa pagtuturo ng asignaturang Filipino, na tumutuon ng pansin sa wika at panitikan. Bahagi ng usaping pampanitikan ang iba’t ibang halimbawa nito, magmula sa maikling kuwento, kuwentong-bayan, tula, epiko at marami pang iba. Layunin ng pag-aaral na: (1) matuklasan ang nararapat na halimbawang kuwentong-bayan na maaaring maging karagdagang kagamitang pampagtuturo at pagkatuto para sa mga guro at mag-aaral sa sekondarya sa Silangang Distrito sa bayan ng Labo, (2) malaman ang uri ng kagamitang pampagtuturo na paglalapatan ng nasabing kuwentong-bayan batay sa panlasa ng mga gagamit nito, (3) malaman ang antas ng katanggapan batay sa ginagawang karagdagang kagamitang pampagtuturo. Mula sa ginawang pangangalap ng datos mula sa inisyal na sarbey na sinagutan ng mga mag-aaral mula sa ikapitong baytang at mga guro na nagtuturo ng asignaturang Filipino sa antas sekondarya, lumabas na ang alamat ang pinakabasahin at ninanais na makalap at mabuo bilang isang modyul na karagdagang kagamitang pampagtuturo at pagkatuto. Samantala sa kagamitang panturo ay nanguna ang modyul dito upang paglagyan ng napiling uri ng kuwentong-bayan para sa pag-aaral na ito. Sa pangangalap ng mga alamat, napag-alaman na may mga alamat o kasaysayan ang bawat barangay. Malaki ang tyansa na ang kagamitang nabuo sa pag-aaral na ito ang magsilbing daan upang mapreserba at manatiling buhay ang ganitong uri ng akda na sasalamin pamumuhay ng lugar na pinagmulan nito kahit lumipas man ang mahabang panahon. Ang natapos na modyul ng mga alamat ay sinuri at pinagtibay ng mga Filipinong guro mula sa Silangang Distrito sa bayan ng Labo sa pamamagitan ng pagsagot sa sarbey ng antas ng katanggapan.