Abstract
Layunin ng komemoratibong pag-aaral na ito, gamit ang isang naratibong pagsusuri, ang pagturol sa danas at alaala ng mga Marikeño sa panahon ng pananalasa at/o pagbahang idinulot ng Ondoy (Ketsana) noong 2009 at sa mga panahong pagkatapos nito. Habang sentro ng pag-aaral na ito ang apat na barangay ng lungsod o ang mga tinatawag na “tabing-ilog”—Nangka, Tumana, Malanday, at Concepcion Uno—gumamit ang pananaliksik ng dalawang pangunahing método, pakikipagpanayam at pakikipagkuwentuhan. Sa kinasapitan, nakapagluwal ang pananaliksik na ito ng dalawang pangunahing bahagi: una, mga naratibo ng danas at alaala sa panahon ng pananalasa ng Ondoy at ikalawa, pagsisiyasat sa mga sumunod na panahon. Sa kabuoan, nakapaglatag ang pag-aaral na ito ng pitong dalumat ukol sa kahulugan, kabuluhan, at konteksto ng Ondoy sa pananaw ng mga Marikeño: (1) delubyo, (2) kaparusahan, (3) kaligtasan, (4) pagtulong, (5) palatandaan, (6) takot, at (7) kasanayan. Hatid ng pag-aaral na ito ang isang implikasyong magpapahalaga sa dalawang bagay—(1) Araling at Kasaysayang Pangkapaligiran o isang subdisiplinang kakanlong sa pag-aaral ng kasaklawan ng kalikasan at kapaligirang Pilipino at (2) Kasaysayang Pampook o pagsasalaysay ng kasaysayan ukol sa isang partikular na pook. Samakatwid, ang kabuoang implikasyon ay magbibigay-linaw at ambag sa saysay ng Ondoy bílang bahagi ng kalikasan at kapaligirang Marikeño sa unang banda at ang saysay ng Marikina bílang pook sa kabilang banda.